Ilang Mahahalagang Punto Laban sa Programang K-12 ng Administrasyong Aquino


Ang K-12 (kinder to grade 12) ay isang programang naglalayong palitan ang kurikulum ng elementarya at sekuundaryang edukasyon sa Pilipinas at dagdagan ito ng dalawang taon. Noong nakaraang taon, inumpisahan ang programa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng universal kindergarten. Ngayong Hunyo naman ay uumpisahan na ang bagong kurikulum para sa mga mag-aaral na papasok ng grade 1 at first year high school na ngayon ay tinatawag na grade 7.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang K-12 umano ang solusyon ng administrasyon ng Pang. Benigno S. Aquino III sa lumalalang krisis sa edukasyon. Gayunpaman, mariin itong tinututulan ng mga kabataan, mag-aaral, guro, kawani, magulang at ng buong komunidad dahil sa kawalan ng programa ng makabuluhang batayan at sapat na paghahanda at panustos ng gobyerno para rito. Ang hilaw na pagpapatupad ng K-12 ay maaaring makapagpalala pa ng sitwasyon.

Narito ang ilan sa mga batayan ng DepEd sa pagpapatupad ng K-12 at ang ating paglalantad sa kahungkagan ng programang ito:

I. Ayon sa DepEd: Ang K-12 ang solusyon sa dumaraming bilang ng out-of-school youth.

Sa katunayan: Ang pangunahing dahilan ng pagdami ng out-of-school youth ay ang kakulangan ng pantustos sa pag-aaral. Batay sa pag-aaral ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), tinatayang gagastos ng P12,090 ang bawat pamilya para tustutusan ang pag-aaral ng isang miyembro sa bawat karagdagang taon sa K-12. Kabilang sa mga gastusin ang pamasahe, baon, gamit sa eskwela at iba pa. Mabigat ang halagang ito na pinapalala pa ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at ang mababang pasahod sa mga manggagawa lalo na’t tahasan nang tinalikuran ng Pang. Aquino ang panawagan sa P125 across-the-board nationwide dagdag-sahod.

II. Ayon sa DepEd: Solusyon daw ang K-12 sa bumababang marka ng mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya.

Sa katunayan: Hindi solusyon ang karagdagang taon sa pag-aaral sa humihinang kalidad ng batayang edukasyon. Ayon mismo sa resulta ng Trends in International Mathematics and Science Studies, maraming bansa na may 10 taong batayang edukasyon o mas maiksi, tulad ng South Korea at Singapore, ang nakakuha ng pinakamatataas na marka. Ilang mga bansa naman na may programang K-12, tulad ng Chile at Saudi Arabia, ay nakakuha ng mababang marka. Pinapakita nito na sa halip na karagdagang taon sa batayang edukasyon, ang tunay na makakapagpataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang mataas na budget para sa maayos na gamit, libro at iba pang pasilidad, at gayundin ang mataas na pasahod sa mga guro at kawani.

III. Ayon sa DepEd: May sapat na rekursong nakalaan para sa pagpapatupad ng K-12.

Sa katunayan: Ayon sa pag-aaral ng ACT, ang mga pampublikong paaralan sa bansa ay nakakaranas ng 182,483 kakulangan sa mga guro, 97,685 kakulangan sa mga silid-aralan, at 153,709 kakulangan sa palikuran.  Naglaan lamang ang Department of Budget Management ng P259.25 B para sa 2013 gayong ang pangangailangan sa edukasyon ay tinatayang aabot sa P338.20 B. Ang mismong United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang nag-aatas sa ating gobyerno na maglaan ng anim na porsyento ng kita nito para sa edukasyon subalit hanggang ngayon ay nanatiling tatlong porsyento lamang ang inilalaan ng administrasyong Aquino para sa batayang edukasyon at sa kolehiyo. Muli, hindi solusyon ang K-12. Ang tunay na solusyon ay ang pagpapahalaga ng gobyerno sa edukasyon at paglalaan ng pondo para rito.

IV. Ayon sa DepEd: Sa pamamagitan ng K-12, hindi na kailangan ng mga kabataang magtapos ng kolehiyo para magkaroon ng trabaho.

Sa katunayan: Baluktot at elitista ang katwirang ito. Pinapatunayan nito na ang karapatan ng mga kabataang makapag-aaral sa kolehiyo, makapili ng propesyon at magkaroon ng oportunidad para matulungan ang kanilang pamilya na umasenso sa buhay ay itinuturing na pribilehiyo lamang ng may kakayahang makapagbayad ng matrikula sa kolehiyo. Kung wala ka nito, sisiguruhin ng K-12 na makapag-aral na lamang ng bokasyunal at teknikal kahit hindi ito ang iyong nais, para sa pagtatapos ng sekundarya ay maaari nang maghanapbuhay. Dagdag pa, sa K-12, inaasahang magtatapos ang mga mag-aaral sa edad na 18—legal na edad para makapag-trabaho. Maliban dito, hindi rin nasosolusyunan ang kawalan ng trabaho ng mga kabataang nakapagtapos ng kolehiyo. Ayon sa pag-aaral, humigit-kumulang na 461,000 Pilipinong nagsipagtapos ng kolehiyo noong taong 2008 ang walang trabaho.

V. Ayon sa DepEd: Ang mga nagsisipagtapos sa programang K-12 ay maari nang ituring na mga propesyunal at may mataas na pinag-aaralan sa ibayong-dagat.

Sa katunayan: Walang kabuluhan ang argumentong ito. Malisyoso nitong itinutulak ang mga kabataan na mangibang-bansa imbis na hikayatin ang mga ito na maglingkod sa sariling bayan. Hindi masisisi ang mga kabataang piniling iwan ang kanilang mga pamilya upang mabigyan sila ng mas maginhawang buhay na ipinagkakait sa kanila sa sariling bayan. Subalit responsibilidad ng gobyerno na lumikha ng mga programang pang-ekonomiya kung saan hindi na kakailanganin pa ng ating mga kabataan ang lisanin ang bansa para maghanapbuhay. Ang K-12 ay panakip-butas at palusot lamang ng gobyerno sa kawalan nito ng kakayahang lumikha ng balangkas para sa pambansang industriyalisasyon kung saan ang ating bansa mismo ang makikinabang sa ating lakas-paggawa imbis na mga dayuhang nagpapakasasa sa mababang pasahod sa ating mga kababayang overseas Filipino workers. Resulta rin nito ang papalalang brain drain kung saan kinakapos na tayo sa mga propesyunal at mga skilled workers na siya sanang magtataguyod ng ating bayan.

VI. Ayon sa DepEd: Lubos na ang naging pag-aaral at paghahanda para ipatupad ang K-12 ngayong taon.

Sa katunayan: Wala pang ligal na batayan ang pagpapatupad ng K-12 ngayong taon. Kamakailan lamang sinimulang madaliin sa Kongreso ang pag-aamyenda sa “Education Act of 1982” subalit ngayon ay ipinapatupad na ang bagong programa.

Ang edukasyon ay isa sa mga armas natin para mapaunlad ang bayan. Ang K-12 ay nakadisenyo upang pagsilbihan ang mga dayuhang mamumuhunan na ang tanging interes ay magkamal ng tubo mula sa kanilang natitipid sa ating murang lakas-paggawa. Walang makabuluhang pagbabago ang makakamit  sa pagdaragdag ng taon at pagpapalit ng nilalaman ng kurikulum sa batayang edukasyon kung ang mga ito ay hindi nilalangkapan ng makabayan, makamasa at siyentipikong adhikain.

Kaya naman dapat magkaisa ang hanay ng mga kabataan, estudyante, guro, kawani, administrador, at ang buong komunidad upang tutulan ang huwad na programang K-12. Narito ang ilan sa mga hakbang upang mapagtagumpayan natin ang ating laban:

  1. Maglunsad ng mga pag-aaral at serye ng talakayan hinggil sa K-12 upang mas marami pa ang makaalam kung bakit nararapat itong labanan.
  2. Ipahayag sa iba’t ibang porma ang pagtutol sa K-12. Ang pinagsama-samang boses ng mamamayan ang maaaring lumikha ng pwersang pipilit sa gobyernong ihinto ang pagpapatupad nito.
  3. Lumahok at magpalahok sa “No to K-12 Alliance”. Kung mas marami tayong kikilos, mas mapapabilis ang ating tagumpay.
  4. Dumalo at magpadalo sa iba’t ibang tipo ng pagkilos laban sa K-12. Gawing malikhain ang mga pagkilos upang makapanghamig ng mas malawak na hanay ng mamamayan.
  5. Pumirma at magpapirma sa “1.2 milyong pirma kontra K to 12 ni Aquino”, isang petisyong ipapasa natin sa ating mga mambabatas hanggang maparating ito sa Malacañang.

Ipagpatuloy natin ang ating pakikipaglaban para sa libre at de-kalidad na edukasyon—edukasyong naglilingkod sa kapwa Pilipino!


9 Comments on “Ilang Mahahalagang Punto Laban sa Programang K-12 ng Administrasyong Aquino”

  1. ronald says:

    malaki ang maitutulong ng k-12 dahil tataas na ang kalidad ng Edukasyon sa ating bansa. Dapat supurtahan natin ito dahil hindi lang ito para sa ating bansa kundi narin ang magandang hinaharap ng kabataan ngayon sa henerasyong ito ..

    • rhona says:

      nakaka2long din ang programang ito dahil if ever matapos nila ang 6yrs. sa secondarya ay maari na silang makapag hanap ng kanilang trabaho kung sakaling hindi na sila kayang pag.aralin ng kanilang mga magulang.😛

      • jv mahusay says:

        pero mababawasan po ang professionals sa ating bansa sapagkat hindi lahat ay kakayanin pa ang gastos karagdagang dalawang taon dahil sa kahirapan. mababakante din ng dalawang taon ang mga universities or colleges kaya’t meron pong mga mawawalan ng trabaho. sayang po ang panahon at oras.

  2. Tj says:

    wala nmang masama kung hangarin ntin na mas mapaganda ang kalidad ng ating edukasyon bastat magkaisa lng ang diwa nting mga Pilipino , ano man ang maging kahihinatnan kayumanggi parin ang ating pagkakalilanlan.

  3. Gene says:

    Tunay na handa na nga ba ang Pilipinas sa pagpapatupad ng nasabing edukasyon?
    Halimbawa na lamang; Pasilidad, tagapagturo at iba pa.
    Hindi ba dapat na pagyamanin muna natin ang pamamaraan ng pagturo sa ngayon bago pa man tayo maghangad ng bago(PATAASIN ANG KALIDAD NG EDUKASYON)?
    Dahil walang saysay ang layuning pagpapalago kung wala hustong pagpaplano. Isang nilutong HILAW ang kalalabasan.

    Ano nga ba ang totoong layuning ng Kagawaran ng Edukasyon?

  4. liah says:

    tunay na malaki ang maitutulong nito ngunit sapat ba ang pundo ng gobyerno sa pangangailangang kagamitan ng mga mag-aaral at mga guro? kayat imbes na makatutulong ito sa panahon ngayon ay tila naging mabigat pa itong pasanin para sa mga bata lalo nat sa mga magulang…

  5. vardin-VMBM says:

    kaming mag-aaral ay nagagalak sa programang k-12 para sa amiing karagadagang kaalaman, ngunit kamiý nahihirapan sa mga kakulangang aksiyon ng gobyerno. di pa sapat ang mga learners material na aming nagagamit at mga silid na aming gingamit. sana biyang pansin at dinig ito ng mga nakakataas.

  6. MV says:

    matutugunan ba ng programang ito ang mga problema ng ating bansa ukol sa edukasyon?

  7. Hermione says:

    I don’t agree with this. Maraming benefits ang K to 12 sa mga mag-aaral at pati na rin sa mga magulang. Hindi naman kasi lahat ng pamilya sa Pilipinas ay may sapat na pantustos para sa pag-aaral ng kolehiyo kanilang mga anak. Ito ang nangungunang dahilan kung bakit marami ang hindi nakakapag-aral. Ngunit kung titignan natin ito ng mas malawak. Malaking tulong pa ito sa ating mga Pilipino. Imbis na mag-aral sila ng kolehiyo. Maaaring tapusin na lang nila ang anim na taon sa Senior High School at TESDA Training at mabibigyan na sila ng oportunidad na maging propesyunal at makahanap ng disenteng trabaho. Dahil din dito, maaaring makatulong pa ang mga kabataan kung sakaling wala silang pantuloy ng kolehiyo. At kapag may sapat na siyang kita, maaari na niyang ituloy ang kursong nais niyang kunin. Mababawasan na rin ang bilang ng mga unemployed sa Pilipinas, hindi lang makakatulong sa pamilya ng bata ngunit pati na rin sa ekonomiya ng bansa.

    Sa K to 12 din mas magkakaroon ng karagdagang oras ang mga kabataan na magdesisyon sa kursong kukunin nila. Maaaring mabawasan ang bilang ng mga nagshishift ng kurso. Kung magshishift ng kurso ang mga kabataan, hindi ba’t karagdagang gastos din ito para sa mga magulang?

    Maraming benepisyo ang K to 12 na hindi nakikita at napapansin. Ang mali lang sa pagpapatupad ng K to 12 ay hindi naging handa ang gobyerno sa pagpapatupad nito.

    Bilang first batch ng K to 12, napansin ko na para kaming pinageexperimentuhan. Dahil hindi naman ako nag-aaral sa isang university, maraming kakulangan akong napansin at hindi lang ako, pati na rin ang mga kapwa ko estudyante sa iba’t-ibang paaralan.


We know you want to speak up. Share your insights here...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s