‘Dagdagan ang puno, hindi ang tubo!’ (A statement of Anakbayan-Southern Tagalog on Earth Day protest in SM Calamba)


 Puno ka ba?

Kasi gusto kitang i-earth ball, at sirain!

Kung magpipick-up line si Henry Sy, ganito marahil ang kanyang linya!

Kamakailan, naging maingay ang protesta ng mga taga-Baguio sa naganap na tree-balling, o paghuhukay ng mga puno. Kasabay nito, tinutulan nila ang balak na expansion ng SM Baguio at pinanawagan ang “Occupy SM” bilang porma ng protesta. Lumawak ang suporta ng kampanyang ito. Maraming pumirma sa manipesto na nananawagang ng “CUT THE CORPORATE GREED! SAVE THE BAGUIO PINE TREES!” Naging trending din sa Twitter ang #Save BaguioPineTrees.

Ganito natin minamahal ang inang kalikasan! Hindi tayo papayag na lapastanganin ang napakahalagang yaman natin sapagkat batid nating nakasalalay dito ang sariwang hangin, malinis na tubig at malusog na kapaligiran para sa ating mga anak, sa mga susunod na salinlahi.

Sino nga ba si Henry Sy? Siya ay kilala ng marami bilang ang multi-billionaire na may-ari ng SM Supermalls. Ngunit para sa uring anakpawis:

Si Henry Sy ay isang malaking burgesya-komprador para sa mga makabayan, ang tinaguriang “retail king” ng bansa dahil sa SM. Kumikita siya ng bilyon-bilyong piso mula sa paglalako nito ng mga dayuhang kalakal sa kanyang mall. Katulad niya ang mga mapagsamantala tulad nina John Gokongwei, Lucio Tan at mga Ayala.

Si Henry Sy ay land-grabber para sa mga magsasaka at maralita sa kalunsuran. Siya ang may pakana sa pagpapalit-gamit ng mga lupang taniman sa Hacienda Looc upang gawing komersyal na daungan, resort at golf course. Siya rin ang notorious na tagatibag ng mga bahay ng mga maralitang lunsod sa may Paranaque upang tayuan ng kanyang condominium building.

Si Henry Sy ay union-buster para sa mga manggagawa. Kilala ng mga manggagawa ng SM si Henry Sy bilang tuod sa isyu ng pang-aabusong sekswal sa mga saleslady nito noong 1990, 1994 at 1999. Marahas din ang atake ng pinagmamay-arian nitong SM sa mga nagwelga noong 2003 laban sa tanggalan, pang-aabuso at kontraktwalisasyon sa mall nito.

Dagdagan ang puno, hindi ang tubo! Sa matagal na panahon, ipinagtutulakan ni Henry Sy ang di umano’y “social corporate responsibility” ngunit kinukubli naman ang pagkakamal ng bilyun-bilyong tubo mula sa pangwawasak ng kalikasan para lamang bigyang daan ang mga negosyo nitong maka-dayuhan at kontra-mamamayan.

Kaugnay ng paglaban sa pananalasa sa kalikasan, naging pambansa rin ang kampanya ng sambayanan upang labanan ang dayuhang pandarambong sa ating yamang mineral. Umabot na kasi sa 1, 151, 514 ektarya ang pinagmamay-arian ng 353 lamang na dayuhang kumpanya ng pagmimina! Tinanggihan din ni Aquino ang panukala ng League of Municipalities of the Philippines para kahit sana sa pansamantalang pagpapatigil ng malalaking pagmimina sa bansa.

Samantala, itinataguyod naman ni Bayan Muna Representative Teodoro Casino ang People’s Mining Bill sa konggreso upang bigyang-diin ang kagalingan ng taumbayan at industriyalisasyon sa halip na tubo.

Patuloy rin ang pagkalbo sa kagubatan! Umabot na sa 1,422,190 ektarya ng kagubatan ang nakapailalim sa mga kasunduan ng pagtotroso. Gayong nakakalbo na, ang mga kagubatan ay hinayaan ni Aquino na gatasan ng mga malalaking magtotroso!

Patuloy rin ang pagsira sa yamang-dagat! Pinayagan ni Aquino ang pagpasok kamakailan ng mga tropa ng Amerika. Bahagi ng tinaguriang Balikatan Exercises ay ang pagpapasabog ng mga live ammunition sa ilalim ng dagat sa Palawan. Makasisira ito ng coral reefs ngunit pinababayaan ng rehimeng Aquino!

Itinutulak pa ni Aquino ang pag-ooperate ng mga maruruming planta ng karbon. Pinaboran nito ang pagbubukas ng dalawang dambuhalang planta ng karbon – ang 164 megawatts (MW) PEDC Iloilo Coal Power Plant at ang 200MW 200 MW KSPC Cebu Coal Power Plant. Na pinagmamay-arian ng malalaking burgesya kumprador at mga dayuhang korporasyon mula sa Korea at Taiwan. Habang tayo’y pinahihirapan sa mataas na buwis, ang malaking kumpanayang Aboitiz pa ang hindi pinagbayad ng P25 milyong buwis para maitayo ang coal power plan nito sa Zambales at Davao City!

Maging ang yamang enerhiya ay ibinubuyangyang sa dayuhan! Hinayaan ng rehimeng Aquino ang tuluy-tuloy at walang-humpay na paghahanap ng langis at gas sa Sulu Sea ng Exxon Mobil, pinakamalaking kumpanya sa mundo. Wala ring humpay ang pagpapabaya ng rehimeng Aquino na pagkakitaan ang iilan na nga lang nating power plants tulad ng 109MW Naga 1 at Naga 2 Coal Power Plants, 37MW Naga Diesel Power Plant, at 165MW Casecnan Hydroelectric Dam!

Sa ngalan ng pagmamahal sa inang kalikasan at inang bayan! Mayaman ang Pilipinas sa likas-yaman, ngunit naghihirap ang sambayanan. Malinaw pa sa sikat ng araw ang dahilan nito – kontrolado ng iilang gahaman ang ating kalikasan! Nagiging posible ito dahil inutil ang rehimeng Aquino upang itaguyod ang interes ng sambayanan na gamitin para sa ating kabuhayan ang likas-yaman ng bansa. Bagkus, inihahain ni Aquino na parang handa sa pyesta ang ating likas-yaman sa mga dayuhan, burgesya-komprador at asederong bwaya sa tubo!

Pinatunayan ng mamamayan sa Palawan at Baguio City na tanging sa sama-samang pagkilos lamang natin maipagtatanggol ang ating kalikasan.

DAGDAGAN ANG PUNO, HINDI ANG TUBO!

MINING ACT 1995, IBASURA! PEOPLE’S MINING BILL, IPASA!

IPAGTANGGOL ANG PAMBANSANG PATRIMONYA!

TAYO ANG 99% LABAN SA 1% DAYUHAN, BURGESYA-KOMPRADOR AT ASENDERONG GAHAMAN!

APRIL 24 ANTI-BALIKATAN EXERCISES PROTEST ACTION, JUNCTION, LOS BANOS | APRIL 27 CARAVAN TO US EMBASSY | MAY 1 MAY 1ST REGIONAL PROTEST ACTION, CROSSING, CALAMBA



We know you want to speak up. Share your insights here...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s