Ikalawang SONA ni Aquino: ANG ISA’T KALAHATING [BU]WANG-WANG AT SANGKATUTAK NA KASINUNGALINGAN


Isang Unity Statement ng pagsusuri sa mga kasinungalingan sa ikalawang State of the Nation Address ni G. Benigno Aquino III

“Narinig natin ang pag-ubo ni Aquino hindi dahil sa kanser sa paninigarilyo kundi dahil sa kanser ng kronikong krisis panlipunan, sa lipunang Pilipino.”

Pagkatapos ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Benigno “Noynoy” Aquino III, ito ang mga salitang ipinukol ni Leo XL Fuentes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-Timog Katagalugan at dating Tagapangulo ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Los Banos.

Tulad ni Fuentes, kami, mga mag-aaral, guro at kawani ng UPLB, mga kabataang maralita, magsasaka, manggagawa at mamamayang nakikibaka, ay lubos na itinatakwil ang mga kasinungalingang laman ng ikalawang SONA ni Aquino. Higit pa rito, kami ay mariing lumalaban sa walang kaparis na kahirapang dulot ng nagpapatuloy na dayuhang pandarambong—kasapakat ang mga burukrata, malalaking negosyanteat asendero—sa yaman ng bansa at panghihimasok sa lahat ng larangan nito.

Tulad ng kanyang campaig line na “Kung walang kurap, walang mahirap” noong Halalang 2010, pinakikitid ni Aquino ang paglutas ng pamalagiang krisis panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa sa pamamagitan ng kampanyang anti-“wang-wang” nito.

Sumatutal, uminog ang ikalawang SONA ni Aquino sa pagtugis umano sa mga “wang-wang” o yaong mga mapang-abuso sa awtoridad. Mula sa pagtutok sa “wang-wang” na animo’y ugat ng samut-saring suliranin ng bansa, pinangalandakan muli ni Aquino ang kalunus-lunos na kalagayang dinatnan nito mula sa nakaraang rehimeng Arroyo, mga nagawa nito sa loob ng nakaraang isang taon upang tugisin ang mga “wang-wang”, at ang “buhay na buhay” na hinaharap ng sambayanang Pilipino sa pamamahala ng gobyernong Aquino.

Ngunit tingnan natin ang mga kasinungalingan at katotohanan sa kanyang SONA:

1.       KAGUTUMAN

Aquino

Napababa umano ng gobyernong Aquino ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom ngayong taon: Mula 20.5% ng populasyon noong Marso tungong 15.1% na lamang ngayong Hunyo.

Katotohanan

Minamanipula, na animo’y mina-magic, ang mga datos upang palabasin ang ganitong mapanlinlang na pahayag. Ayon sa National Statistics Coordination Board, hindi mahirap ang Pilipinong kumikita ng P37 kada araw. Sa ganitong taya, lalabas na mas mababa sa 30% sa bansa ang tinatayang mahirap at halos walang mahirap sa Kamaynilaan!

Sa katunayan, 80% ng populasyon ng bansa ang kumikita lamang ng mas mababa sa P104 kada araw, kalahati pa nito ay kumikita lamang P18-P54 kada araw. Kung ikukumpara sa standard daily cost of living na humigit-kumulang P1,000 sa pamilyang may anim na myembro, lalabas na halos 73 milyong Pilipino ang hindi nabubuhay ng disente at nakararanas ng kagutuman.

2.       Financial management

Aquino

Ayon kay Aquino, “Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na landas.” Kung kaya nilayon umano ng gobyerno ang “tamang” paggastos ng kaban ng bayan na nagbunga ng P23 bilyong natipid dito. Dagdag pa niya, ang ganitong malikhaing pananalapi ang nagpataas ng ranking ng bansa sa credit rating nito. Magbibigay umano ito sa gobyerno ng mababang interes sa pautang ng mga international lending institution.

Katotohanan

Siyasatin natin ang tinagurian ni Aquino na 2011 Reform Budget:

IN BILLIONS OF PESOS

2010

2011

+/-

Debt (interest) payments 327 357 +30
Pork barrel 10.9 24.8 +13.9
CCTs 10 29.2 +19.2
Military 96.2 104.7 +8.5
Educ (Basic/SUCs) 175/24.8 207.3/24.4 +32/-0.4
Health 40 36 -4.0
Housing 5.2 5.6 +0.4

Aabot sa 58% ng pangkabuuang badyet ang inilalaan sa pambayad-utang, samantalang ang pinagsama-samang badyet para sa batayang serbisyong panlipunan—edukasyon, kalusugan at pabahay—ay aabot lamang sa 19.2% ng pangkabuuang badyet.

Masaklap pa, habang nagtataasan ang badyet na inilalaan sa pambayad-utang at pondo para sa militar, kinakaltasan naman ang badyet para sa serbisyong panlipunan. Ang pagtaas ng badyet sa batayang edukasyon (elementarya at hayskul) ay nominal lamang, at nananatili ang malaking kakulangan sa mga pasilidad tulad sa guro (94,000), klasrum (134,000), upuan (12 milyon) at libro (63 milyon).

Kung ang pambansang badyet ang “daang matuwid”, walang duda na bali-baliko at maputik ang daang patungong kumunoy ng kahirapan ang tinatahak ng mamamayan sa ilalim ni Aquino. Walang duda, kung gayon, na anti-mamamayan at maka-dayuhan ang gobyernong ito!

3.       PAGTUGIS SA KORUPSYON

Aquino

Nagkaroon umano ng bunga ang pagtugis ng gobyernong Aquino sa “wang-wang” pareho sa pampubliko at pribadong sektor. Sa pampublikong sektor:

  • Tumaas na raw ang mga kumpanyang handang tumaya para sa eksplorasyon ng yamang langis at mineral ng bansa, mula 36 kumpanya noong 2006 tungong 140 ngayong taon.
  • Nasiwalat din umano ang ma-anomalyang umento sa bonus ng Philippine National Construction Corporation na umabot ng P232 milyon.
  • Napigilan din umano ang mga proyektong walang pakinabang tulad ng dredging sa Laguna lake na nagkakahalaga ng P18.7 bilyon at programang food-for-school na walang siguradong benepisyaryo.
  • Napigilan din umano ang mga anomalya sa Department of Public Works and Highways tulad sa Region 4B na gagastusan ng P300 milyon gayong hanggang P50 milyon lamang ang maaaring gastusin ng ahensya kada proyekto.
  • Napigilan na rin umano ang 1 milyong toneladang over-importation ng bigas.
  • Nasiwalat na rin umano ang anomalyang paggastos ng PAGCOR ng P1 bilyon para sa kape.

Sa pribadong sektor, nasiwalat na rin umano ang “mahirap paniwalaang” maliit na halaga ng buwis na binabayaran ng mga maliliit na negosyante at propesyunal na umaabot lamang ng P5,783 income tax bawat isa sa kanila.

Katotohanan

Isang kasinungalingan na isang produktibong hakbang na paramihin ang pagpapa-ubaya sa mga pribadong kumpanya ang eksplorasyon sa ating yamang langis at iba pang mineral. Ang tanging dahilan kung bakit nais magsiksikan ng mga kumpanyang ito—na karamihan ay mga dayuhang mamumuhunan—sa mga probinsya sa Kordilyera, Bicol Region, Palawan at Mindoro dahil ang Pilipinas ay ikatlo sa buong daigdig na pinakamayaman sa ginto, ikaapat sa copper, ikalima sa nickel, at ikaanim sa chromite, na sumatutal ay nagkakahalaga ng mahigit kumulang US$840 bilyon-US$1 trilyon. Dahil ang mga kumpanya ay pribado, wala sa kanilang prayoridad ang serbisyo, sa halip ay ang gatasan ang bansa habang lugmok sa kahirapan ang sambayanan. Walang habas itong pinahihintulutan ng gobyernong Aquino.

Sa pribadong sektor, tila nagtataka pa si Aquino kung bakit maliit ang buwis na binabayaran ng mga propesyunal at mga maliit na negosyante. Una, hindi ba’t labis ding tinatamaan ang mga propesyunal at maliit na negosyante ng labis na krisis dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin? Ikalawa, hindi binanggit ni Aquino na mismong mga datos ng gobyerno ay mina-magic: Kahit “takatak” vendors ay inihahanay kasama ang mga small at medium businessmen.

Pilit pa ring nakabuntot si Aquino sa anino ng labis na pagkapoot ng sambayanan sa nakaraang gobyernong Arroyo. Kung kaya, tinutugis ng gobyernong Aquino ang korupsyon upang pagmukhaing mayroon itong ginagawa para sa pag-unlad ng bansa. Ang misyong ito ng gobyernong Aquino ay hindi bumubunot ng ugat ng korupsyon; sapagkat senyales lamang ng kronikong krisis ang ganitong problema.

Kailangang maunawaan na ang korupsyon ay isang tradisyon sa kultura at pulitika ng bansa na nagmula pa sa mga kolonyalistang Kastila at Amerikano sa pamamagitan ng kanilang mapagsamantalang kaugalian ng sistemang “paternalismo” o “batá-batá”. Ibig sabihin, upang wakasan ang korupsyon kailangan ring bunutin ang ugat nito: Ang kontrol ng dayuhan at iilan sa yaman ng bansa, sa kapangyarihang kinakasangkapan ng mga ito upang higit na makapagkamal ng dambuhalang yaman.

Pilit na pinagdidiinan ni Aquino ang mga kasong ito ng korupsyon, ngunit tila nakalimutan na niya ang tuwirang pagpapanagot kay Arroyo at kanyang chronies. Tila kinalimutan din ni Aquino na banggitin ang pinaka-korap na ahensya ng gobyerno—ang Armed Forces of the Philippines—na nagpatuloy sa pangungurakot sa kasalukuyang gobyerno. Tila nakalimutan na niya na kahit siya ay namamalakad sa sistemang paternalismo: Ang KKK Inc. nito o ang Kaibigan, Kamag-anak, Kapamilya at Kabarilan, Inc. At kahit si Aquino mismo ay “wang-wang” at mapang-abuso sa kapangyarihan sa pag-aatubpag ng PPP o Porsche, Playstation at Pakikipagdate.

Tahimik din siya hinggil sa “Pajero” bishops na nasangkot sa usapin ng ma-anomalyang gawi ng PCSO. Tila nagiging maingat si Aquino sa tuwirang pagbangga sa Simbahang Katolika, ang isang institusyong mayroong tuwiran at di-tuwirang partisipasyon sa kanyang pagkakaluklok bilang pangulo.

4.       PABAHAY

Aquino

Ani Aquino, pinabubuti umano ni kanyang gobyerno ang kundisyon ng mga pulis at militar. Sila ay bibigyan na ng certificate of entitlement of lot allocation, upang ang karaniwang binbayaran nilang P4,000 kada buwan para sa bahay ay P400 na lamang.

Pinaplano na rin ng National Housing Authority ang dagdag na pabahay sa mga pulis at militar sa Visayas at Mindanao at isasama na ang mga kawani sa Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection.

Katotohanan

Para kanino ang serbisyong pabahay ng gobyerno?

Tinatayang nasa 556,526 pamilya o 2.7 milyong Pilipino ang mga “informal settlers” sa Kamaynilaan. Aabot ito ng 25% ng populasyon ng rehiyon. Mayroon ding tinatayang 10,000 pamilyang biktima ng demolisyon ang nagsisiksikan sa Southville 7 sa Calauan, Laguna, 700 pamilya sa Parian, Calamba City, 200 pamilya sa kinatitirikan ngayon ng Rizal Park sa Calamba City, may ilang libong pamilya pa sa San Roque at New Manila sa Quezon City, Laperal sa Makati, Tondo sa Manila, Pangarap Village sa Caloocan, Davao at iba pang panig ng bansa. Hindi sila nagkaroon ng espasyo sa SONA ni Aquino. Hindi sila ang target ng proyektong pabahay ng gobyernong ito.

 5.       LAKAS-MILITAR

Aquino

Pinagmalaki ni Aquino na maaaring magkaroon ng modernong lakas-militar ang AFP dahil sa pagtugis sa mga “wang-wang”. Magkakaroon na umano tayo ng kauna-unahang Hamilton Class Cutter at iba pang kagamitan tulad ng helicopter at patrol crafts.

Sa kabila ng plano nitong pagbili ng mga kagamitang pandigma, plano umano ng gobyernong Aquino na makitungo ng mahinahon sa iringan sa mga isla ng West Philippine Sea. Plano nitong iangat ang usapin sa mga nasabing isla sa International Tribunal of the Laws of the Sea.

Katotohanan

Sa 2011 Reform budget ng gobyerno, tumaas ng P8.2 bilyon ang badyet ng militar, iba pa ang pagtaas ng badyet ng Department of National Defense at Philippine National Police. Malisyoso ba tayo kung kukwestyunin natin ang ganitong prayoridad? Bakit tumataas ang pondo ng militar habang papadausdos ang badyet sa serbisyong panlipunan? At bakit kagamitang pandigma, tayo ba ay mayroong inaasahang digmaan na sasangkot ang Pilipinas?

Sabi ni Aquino, pakikitunguhan natin ang usapin ng Spratlys ng mahinahon, ngunit mula sa pang-uupat ng US sa panghihimasok nito sa iringan sa mga islang nabanggit, tila nang-uupat din ang Pilipinas sa Tsina na kalaban ngayon ng US sa pandaigdigang merkado. Malinaw ang patuloy na paghahanda ng mga tropang Kano sa mga Pilipinong militar sa porma ng pagpapatuloy ng Visiting Forces Agreement at kahalintulad nitong polisiya tulad ng CARATS sa Zamboanga at Palawan. Dahil dito, hindi man ipormal malinaw na bumabase na ang mga tropang Kano sa mga lupain ng bansa, at anumang pagkakataon sa hinaharap maaari nang magdeklara ng digmang agresyon ang US sa Tsina.

Kung gayon, hindi ito simpleng malisya; isa itong ma-anomalyang alokasyon ng kaban ng bayan na hindi tumutugon ng tunay na kagyat na pangangailangan ng sambayanan.

Sa kabila ng kanyang pagmamalaki sa mga modernong kagamitang pandigma, hindi naman nagkaroon ng espasyo ang SONA ni Aquino sa pag-uulat sa bayan ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao tulad ng patuloy na nakabinbing mahigit 1,000 kaso ng extra-judicial killings sa panahon ni Arroyo at patuloy na pamamayagpag ng mga militar na sangkot sa mga kasong ito.

Malinaw ang panawagan ng mamamayan sa kabila ng walang kaparis na kagutuman sa ilalim ni Aquino: Edukasyon hindi gyera, pagkain hindi bala.

6.       KRIMEN, PAMBANSANG SEGURIDAD AT KAPAYAPAAN

Aquino

Pinagmalaki ni Aquino ang pagsugpo umano ng gobyerno sa mga krimen partikular sa carnapping at human trafficking.

Batay daw sa datos, bumaba mula 1,010 kaso ng carnapping noong 2006 tungong 460 kaso na lamang ngayong 2011. Sa human trafficking, nakapagpakulong na umano ang gobyerno ng 31 traffickers sa loob lamang ng isang taon, mas malaki pa ito sa 29 human traffickers na naipakulong sa pitong taon mula 2003-2010. Dahil dito, natanggal na raw tayo sa Tier 2 Watchlist on trafficking in persons sa daigdig, dahilan upang magkaroon ng mataas na prayoridad ng financial aid mula sa Millenium Challenge Corporation.

Katotohanan

Bagamat ikatutuwa natin kung totoo mang may pag-unlad sa pagsugpo sa kirminalidad, mababaw ang konsepto ng gobyernong Aquino sa pambansang seguridad at kapayapaan kung itutuon lamang nito ang atensyon sa paglutas ng suliranin sa mga krimeng tulad ng carnapping at trafficking. Ang kailangan ng sambayanan ay isang kumprehensibong solusyon hinggil sa ugat ng ganitong kaguluhan at tunggalian sa bansa—isang kumprehensibong paglutas sa socio-ekonomikong krisis o kahirapang nagtutulak sa mamamayan upang gumawa ng mga desperadong hakbang para lamang mabuhay. Dapat bunutin ng kumprehensibong solusyong ito ang ugat ng kahirapan: Ang pananatili ng di-tuwirang dayuhang kontrol sa bansa, ang pagsasamantala ng iilang asendero sa malawak na magsasaka at sambayanan, at ang burukratikong katiwalian.

Habang pinatatampok ng gobyerno ang pagtugis nito sa mga maliit na kriminal, tila kinalimutan niya ang mga krimen na kinasasangkutan ng kanyang mga ka-“KKK Inc.” hinggil sa masaker sa Hacienda Luisita noong 2004.

Higit pa rito, hindi nito tinalakay ang isyu ng nagaganap na armadong tunggalian sa kanayunan. Tahimik si Aquino hinggil paglabag ng gobyerno nito sa mga kasunduan sa peacetalks na nagiging dahilan ngayon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang grupong katuwang ng taumbayan para magtayo ng independyenteng gobyerno, upang iurong ang pakikipagnegosasyon kay Aquino. Hanggang ngayon, nakakulong pa ang 17 NDFP consultants na dapat ay pinoprotektahan ng security guarantees batay sa kasunduan ng dalawang gobyerno.

7.       TRABAHO AT EDUKASYON

Aquino

Iniulat ni Aquino sa kanyang SONA ang paglikha ng gobyerno ng 1.4 milyong trabaho, dahilan upang bumaba ang unemployment rate sa bansa mula 8% noong 2010 tungong 7.2% noong Abril 2011.

Ani Aquino batay sa datos ng PhilJobNet website, tinatayang 50,000 kada buwan ang nababakanteng trabaho dahil sa kawalan ng mga manggagawang may tamang kasanayan para sa trabaho. Lulutasin umano ng gobyerno ang ganitong suliranin sa trabaho sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DOLE, TESDA, CHEd at DepEd na baguhin ang kurikulum ng sistema ng edukasyon sa bansa upang tuwirang tumugon sa aktwal na pangangailangan ng mga kumpanyang nagbibigay ng trabaho.

Ngunit sa kagyat umano’y palalawigin pa ang saklaw ng proyektong Pantawid Pamilyang Pilipino program/conditional cash transfer (4Ps/CCT) ng 1.3 milyong benepisyaryo ngayong taon.

Pinagmalaki rin ni Aquino ang mga bagong teknolohiya na gawang Pilipino at para umano sa mga Pilipino tulad ng low-cost mosquito trap, coconut foir fider sa konstruksyon ng mga kalsada, early flood warning system, landslide sensor, at bagong transport system na dine-develop ng DOST at UP.

Katotohanan

Maliit kung tutuusin ang datos ng unemployment rate ni Aquino, kung totoo nga ang mga datos na ito. Dahil sa katunayan, batay sa pinakahuling sarbey ng gobyerno, tinuturing nito na employed ang mga manggagawang sa kasalukuya’y naghahanap pa lamang ng trabaho.

Kung susuriin, batay sa pananaliksik ng Ibon foundation, 11.3 milyon ang walang trabaho noong unang kwarto ng kasalukuyang taon, mas mataas ito sa 9.9 milyong walang trabaho noong huling kwarto ng 2010. Dahil sa kakulangan ng sapat na trabaho sa bansa, humigit-kumulang 4,000 Pilipino ang umaalis sa bansa araw-araw para magtarabaho sa ibayong dagat.

Maging ang binibigay nitong solusyon na pagbabago ng kurikulum sa sistema ng eduksyon para lamang sa interes ng mga dayuhang kumpanya ay isang maka-dayuhang patakaran at kung gayo’y isang anti-nasyunal at anti-mamamayan sapagakat hindi nito layuning tugunan ang aktwal na pangangailangan ng sambayanan sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon para sa tunay na pag-unlad.

Ang 4Ps/CCT nama’y isang panandaliang solusyon; ngunit panandalian na nga lang hindi pa sapat ang administratibong kapasidad at imprastraktura ng gobyerno para benepisyuhan ng proyektong ito ang target nitong 14% na pinakamahirap sa bansa. Mayroon lamang tayong 16,200 health stations sa 42,000 barangay sa bansa. Dagdag pa rito ang kakulangan sa mga dentista, doktor, nars at midwife na nananatiling mababa sa 10-20% ang proportion sa populasyon.

Ngunit higit pa rito, nalantad na ang tunay na layunin ng 4Ps/CCT: Ang maging programang pampakalma lamang sa nag-aaklas na mamamayan bilang bahagi ng kontra-insurhensyang programa nitong Oplan Bayanihan. Samakatuwid, hindi intensyon ng 4Ps/CCT o kahit ng Oplan Bayanihan na bigyang solusyon ang malalang kagutuman at ligalig sa lipunan.

Samantala, sa kabila ng pagmamalaki ni Aquino sa mga imbensyong Pilipino, pilit naman nitong ikinukubli ang kawalan ng prayoridad ng kanyang gobyerno para sa mga pampublikong unibersidad na siyang lilinang ng siyensya at teknolohiya ng bansa. Buong pagmamalaki pa nitong binanggit ang UP sa talumpati, samantalang maraming imbensyong Pilipino at mga pananaliksik ang hindi na kinakaya pang sustentuhan ng pamantasan dahil sa pagkapilay nito bunsod ng pinakamataas na budget cut sa subsidyo nito na nagkakahalaga ng P1.39 bilyon.

8.       KALUSUGAN

Aquino

Tumatarget na umano ang National Household Targetting System ng 5.2 milyong pamilyang magiging benepisyaryo ng Philhealth, upang siguruhin umano na hindi lamang kapag nalalapit ang eleksyon saka tatrabahuhin ang pagbebenepisyo ng Philhealth sa mga maralita.

Katotohanan

Malinaw na walang maiuulat si Aquino hinggil sa pagpapalakas ng imprastraktura ng gobyerno para tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng mamamyan. Makikita sa datos sa itaas ang malaking kakulangan sa health units at mga kawaning pangkalusugan. Hindi ito kataka-taka dahil wala sa prayoridad ng gobyerno ang pagbibigay ng sebisyong medikal sa taumbayan: Bumaba ng P4 bilyon ang badyet sa kalusugan ngayong taon, mula sa P40 bilyon noong 2010 tungong P36 bilyon ngayon taon.

Habang binabawasan ang badyet, tinutulak naman ng gobyernong Aquino sa diwa ng Public-private partnerships ang pagsasapribado ng maraming pampublikong ospital sa bansa, maging ang pangunahing ospital nito—ang Philippine General Hospital, na ngayon ay lugmok sa utang sa operasyon nito (kuryente halimbawa) dahil sa mababang subsidyo mula sa gobyerno.

Kapansin-pansin din na hindi naglabas ng pahayag si Aquino hinggil sa isyu ng Reproductive Health Bill. Bagkus, pinuri pa nito ang mga obispo ng Simbahang Katolika sa isang tipo ng rekonsilyasyon sa interes ng Simbahan at estado. Ma-anomalya ito sapagkat kamakailan lamang matapos ang kabi-kabilang patutyada ng gobyerno sa “pajero” bishops kahit pa todo-ingat si Aquino sa sensitibong usaping ito, nagpahayag ng pagsuporta ang CBCP sa panawagan ng mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita na ipamahagi ang lupang hacienda.

9.       ARMM

Aquino

Pinatampok din ni Aquino sa kanyang SONA ang synchronization ng eleksyon ng ARMM sa pambansang halalan upang gawing kongkreto umano ang pagbebenepisyo ng mabuting pamamahala ng gobyerno sa nasabing rehiyon.

Katotohanan

Isa itong diversion sa tunay na usapin ng kahirapan sa ARMM: Malawak na warlordism at landlordism o pangangamkam ng mga lupain sa Mindanao at pandarahas sa mamamayang Moro. Kailanman hindi naging patas ang eleksyon sa ARMM at tanging ang may namamayagpag na hacienda at malakas na pwersa ng Private Army ang siyang makauupo sa pwesto. Kahit pa mangyari ang sinsabaging election synchronization, mananatili pa ring malawak ang dayaan, madugo ang eleksyon at dominado ng iilan ang pulitika sa ARMM. Sa huli, talo ang sambayanang Moro; itatapon lamang nilang parang basura ang hungkag na solusyong ipinanunukala ng Kongreso at ni Aquino.

10.   ISYUNG PANG-KALIKASAN

Aquino

Tinukoy ni Aquino ang malawak na deforestation bilang sanhi ng mga pagbaha tuwing tag-ulan. Ika ni Aquino, hindi na lamang photo opportunity ng pulitikong nagtatanim ng seedlings ang solusyon kundi pagsisiguro sa pagtatanim ng puno, partikular ng punong kape at kakaw, ng mga setler. Ang mga setler na ito ay magsisilbing ‘steward’ ng mga kape’t kakaw na itatanim. Bibigyan umano sila ng insentibo sa kanilang pag-aalaga ng mga punong ito.

Katotohanan

Gayong napakalaking usapin ng pagkasira ng kalikasan, mga punong kakaw at kape ang naging laman ng SONA ni Aquino sa halip na bigyang pansin ang malawakang anomalya at walang pusong panggagahasa sa kalikasan ng mga malalaking korporasyon sa pagtotroso, pagmimina at pagtitibag ng bato (quary). Dahil kumikita ng malaking buwis ang gobyernong Aquino mula sa mga korporasyong ito, nanatiling tahimik si Aquino sa pagtugis sa kanila.

Nag-endorso si Aquino ng bagong 247 application sa bansa para sa eksplorasyon ng yamang mineral ng bansa. Nanghimasok na rin ito sa open-pit mining ban sa Cotabato at inidorso rin ang pagsasapribado ng pagmimina sa Palawan at Mt. Diwalwal. Nais nitong ingudngod ang mga setler sa pagtatanim ng punong kape’t kakaw ngunit kahit ga-milyong puno pa ang itanim, kung mananatili ang mga pribadong operasyon ng pagmimina, lulubha lamang ang pagkasira ng kalikasan.

11.   KARAPATANG-PANTAO

Aquino

Mayor sa puntong ito ang pagbibigay umano ng gobyernong Aquino ng sapat na kompensasyon sa mga biktima ng Batas Militar. Binanggit din ni Aquino ng pahapyaw ang kumpyansa nito sa Department of Justice sa pagresolba ng mga kaso ng extra-judicial killings (EJK).

Katotohanan

Ani Aquino, “Ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa pagsasakdal kung hindi sa pagkukulong ng maysala.”

Pensyon para sa mga biktima ng Batas Militar?—hindi naman ito masama, ngunit bakit hanggang sa ngayon ang mga maysala sa daang libong kaso ng pagyurak sa karapatang-pantao sa madilim na panahon ng Batas Militar ay hindi pa rin nakukulong? Gayong mayroong kumpensasyon, sampal sa mga biktima ng Batas Militar ang hindi pagkilala ni Aquino sa patung-patong na ebidensya laban sa mga mersenaryong militar, paramilitar, mga opisyal ng gobyerno, at higit sa lahat sa diktador na si Marcos upang sila’y isakdalat ipakulong.

Hindi kataka-taka kung bakit walang nabanggit si Aquino hinggil sa pagsasakdal sa mga maygawa ng extra-judicial killings (EJK). Hanggang sa ngayon kasi, wala pa ni isa ang nareresolba sa mahigit 1,000 kaso ng EJK sa siyam na taon ni Arroyo sa estado-poder. Ating itatanong: Bakit lubhang matagal ang pagresolba sa mga ito, gayong mismong UN Human Rights Council Rapporteur Professor Philip Alston ang nakapagsuri na, “There is no reasonable doubt that the military is responsbile for a significant number of killings and that subsequent number of evidence points to the continuing nature of that practice”? Ang mga sangkot dito na si Jovito Palparan at ang mga kasapakat nito sa 202nd Infantry batallion at iba pang tropa ng AFP ay namamayagpag pa rin.

Kung susuriin naman ang mga kaso ng paglabag mismo ng gobyernong Aquino sa kaparatang-pantao, malalamang nilagpasan pa nito ang rekord sa pagpaslang ng sinundan nitong si Arroyo: 45 kaso ng EJK, 15 dito ay mga mamamayan ng Timog Katagalugan; 5 sapilitang pagdukot; at 300 bilanggong pulitikal, kabilang ang 17 na NDFP consultants na dapat ay protektado ng safety at immunity guarantees. Lahat ng ito sa loob lamang ng isang taon!

Kaya naman pala, sapagkat nasa bakuran mismo ng kanyang opisina ang maysala, paano niya sila maisasakdal?

Samantala, sa nakaraang koda ng karapatang-pantao para sa Lesbians, Gays, Bisexual and Transgender o LGBT na ipinanukala ng UN, tanging ang gobyernong Aquino lamang sa mga bansang Katolika ang hindi pumirma rito. Sa kabila ito ng napakaraming kaso ng diskriminasyon—malala pa ay pagpaslang—sa mga LGBT ang unti-unti nang lumulutang. Maging sa konggreso, nagiging malaking usapin na ang panukalang Anti-Discrimination Bill bunsod ng pagsaklolo ng libu-libong LGBT sa pagyurak sa kanilang karapatang mabuhay ng matiwasay.

12.   RECONCILIATION

Aquino

Tampok din ang pagpapasalamat ni Aquino sa mga alagad ng Simbahang Katolika katulad kina Cardinal Rosales at Vidal. Nakikita rin umano ng gobyernong Aquino ang kumpiyansa ng ugnayan ng gobyerno at Simbahan kay Archbishop Palma na haligi ngayon ng Simbahan.

Katotohanan

Pilit ikinukubli ni Aquino ang namumuong iringan ng Simbahang Katolika at gobyerno sa maraming usapin: Reproductive Health Bill, mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita at paglilibing ng mga bangkay ng diktador na si Marcos kahanay ng mga martir at bayani sa Quezon City.

Pilit nitong itinutulak ang rekonsilyasyon, samantala tinatalikuran ang mga dapat na pag-usapan sa pagitan ng dalawang panig.

At kung tapat ang gobyernong Aquino sa pangakong rekonsilyasyon, dapat na agaran na itong humarap sa naantalang usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng independyanteng gobyerno ng taumbayan na nirerepresenta ng NDFP. Dapat na itigil na nito ang pambubuyo, sapagkat pagwawakas sa armadong digmaan, kapayapaan at pambansang seguridad ang nakasalalay sa negosasyong ito.

13.   KULTURA NG NEGATIBISMO

Aquino

Ani Aquino, itigil na umano ang kulturang negatibismo: Ang pagkahilig na “maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan”.

Katotohanan

Nais nating pag-ibahin ang sinasabi ni Aquino na negatibismo sa pagpoprotesta. Dapat nating ipaalala ng malinaw sa gobyerno at sa mga katulad din mismo ni Aquino na “wang-wang”, na nasa mamamayang lugmok sa matinding kahirapan ang LAHAT NG DAHILAN UPANG TUMULIGSA.

Hindi na kayang linlangin ng mga ganitong mabubulaklak na pahayag ni Aquino ang mamamayan. Lantad na lantad na siya at ang kanyang bulok na pamamahala. Tama na, kailangan na nating tuldukan ang ilusyon ng pagbabago sa ilalim ng maka-dayuhan at anti-mamamayang gobyernong Aquino!

SO NAsaan na ang “daang matuiwd”?

Hindi na papalinlang ang Sambayanang Pilipino!

Manindigan, labanan at singilin ang gobyernong Aquino!

Ang unity statement na ito ay lubos na sinusuportahan ng:

Anakbayan-UPLB, Anakbayan-Southern Tagalog, League of Filipino Students-UPLB, Center for Nationalist Studies-UPLB, Gabriela Youth-UPLB, Student Christian Movement-UPLB, UPLB Zoomout Multimedia Collective, Kabataan Partylist-UPLB, Kabataan PArtylist-Laguna, Kabataan Partylist-Southern Tagalog, College Editors’ Guild of the Philippines-Southern Tagalog, National Union of Students of the Philippines-Southern Tagalog, Umalohokan, Inc, UPLB Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan, UPB Writers’ Club, Kartunista-Manunulat Kolektib, Solidaridad-UPLB, Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN) at iba pang organisasyon at samahan.

Maaaring makuha ang orhinal na teksto ng ikalawang SONA dito.

Bbulok na prutas ang pantapat ng mga mamamayan ng Timog Katagulagan sa larawan ni Aquino upang ipakita ang galit ng mga mamamayan sa "bulok" nitong pamamahala



We know you want to speak up. Share your insights here...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s